Unang batch ng Pinoy repatriates mula sa Türkiye, pabalik na ng bansa
Nasa biyahe na pauwi ng Pilipinas ang unang batch ng mga Pilipino mula sa Türkiye na naapektuhan ng malakas na lindol.
Sinabi ng Embahada ng Pilipinas na kabuuang siyam na pamilyang Pilipino ang kasama sa unang repatriation flight.
Sasalubungin ang mga Pinoy ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon sa Philippine Embassy, patuloy na inaasikaso nito ang repatriation ng mga kuwalipikadong Pilipino sa mga susunod na araw.
Samantala, iniulat din ng embahada na kabuuang 77 overseas Filipinos ang binigyan ng DFA at ng Department of Migrant Workers ng tulong pinansiyal para sa ikalawang relief at evacuation mission sa Türkiye.
Partikular na sa mga probinsya ng Adana, Hatay at Mersin sa southern Türkiye.
Binigyan din ng relief goods ang mga apektadong Pilipino ng 6.4 at 5.8 na lindol na tumama noong Pebrero 20.
Moira Encina