Unang batch sa ilalim ng K to 12 program ng DepEd, nagsipagtapos na
Nagsipagtapos na ngayong taon bilang unang batch sa ilalim ng K-12 program ng Department of Education o Deped ang may mahigit na isang milyong senior high school students.
Kaugnay nito, gumagawa ng paraan ang Deped sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa ibat’ibang kumpanya at industriya upang magkaroon ng maraming oportunidad ang mga nasabing mag aaral.
Samantala, pinangunahan ng grupong Action for Economic Reform o AER ang aktibidad na tinawag nilang industry tour kung saan ay kanilang binisita ang ilan sa mga kumpanya sa Region 4-A o ang Calabarzon region.
Ang mga kumpanyang dinalaw ay lumahok sa programang tinawag na Government Education industry linkage.
Layon nitong palakasin ang ugnayan ng pamahalaan sa mga paaralan at industriya upang makalikha ng mga trabaho para sa mga bagong graduates.
Nauna rito… ilang senior high school student mula sa mga lugar na nabanggit ang sumailalim sa immersion program at on the job training sa loob ng dalawang linggo.
Bbatay naman sa survey na ginawa ng Philippine Business for Education, sinasabing hindi pa umano handa ang karamihan sa mga pribadong kumpanya na bigyan ng trabaho ang mga graduate ng Senior high school.
Sa panig naman ng Philippine Chamber of Commerce and Industry o PCCI, may pag-asa ang mga Senior high school graduates na matanggap sa mga pangunahing industriya….. ang kailangan lamang umano nilang gawin —ay maging mahusay sa tinatawag na “21st century skills” na ang halimbawa nito ay “critical thinking at “innovation.”
Ulat ni Belle Surara