Unang dalawang kaso ng mpox na hindi tinukoy ang variant, iniulat ng Zimbabwe
Kinumpirma ng Zimbabwe ang unang dalawang kaso ng mpox, ngunit hindi tinukoy kung anong variant ang naitala.
Ang unang kaso ay na-detect sa isang onse anyos na batang lalaki na naka-develop ng sintomas noong nakaraang buwan, matapos bumiyahe sa South Africa, ayon sa pahayag ng health ministry ng Zimbabwe.
Ang ikalawang kaso naman ay isang 24-anyos na lalaki na nagkasakit pagkagaling sa Tanzania.
Ang dalawang pasyente ay kapwa nagpapagaling na at nagsasagawa na rin ng contact tracing. Ang mga kaso ay naitala sa Harare, kapitolyo ng Zimbabwe at sa southern town ng Mberengwa.
Matatandaan na noong Agosto ay idineklara ng World Health Organization ang mpox na isang global public health emergency sa ikalawang pagkakataon sa loob ng dalawang taon, nang kumalat ang isang bagong variant ng viral infection mula sa Democratic Republic of Congo sa mga katabi nitong bansa sa Africa.
Ang bagong “clade 1b” variant ay nagdulot ng global concern dahil mas madali itong kamalat sa pamamagitan ng routine close contact.
Nakasaad sa isang pahayag na nilagdaan ni Health Minister Douglas Mombeshora, “The Ministry of Health and Childcare wishes to reassure the public that the situation is under control and urges the Zimbabwean public not to panic.”
Samantala, ang katabing Zambia ay nag-ulat din ng una nilang kaso noong isang linggo nang hindi ibinulgar kung anong strain.
Ang mpox ay karaniwang nagdudulot ng flu-like symptoms na may kasamang mga butlig na may nana. Kalimitang mild lamang ito ngunit maaaring makamatay.