Unang dalawang kaso ng Omicron variant, inanunsiyo ng India
Inanunsiyo na ng India ang unang dalawang kaso nila ng Omicron Covid variant.
Sinabi ng top health ministry official na si Luv Agarwal, na dalawang lalaki sa southern Karnataka state, edad 66 at 46, ang nagpositibo sa Omicron.
Bilang bahagi aniya ng protocol, isinasailalim na rin sa testing ang kanilang primary at secondary contacts.
Ayon sa mga opisyal ng Bangalore, kapitolyo ng Kamataka, ang dalawang identified cases ay hindi nagkaroon ng contact sa isa’t-isa, at wala ring recent travel history.
Sinabi ni Gautam Menon, isang propesor sa Ashoka University ng India na malamang na nakapasok na sa India ang Omicron bago pa ito unang napaulat sa South Africa, dahil may delays sa pagsusuri ng samples.
Ang India ay hindi pa nagpapatupad ng bagong blanket international travel bans, subaluit nitong Lunes ay ipinag-utos ng health ministry na lahat ng inbound travellers mula sa mga bansang nasa panganib ng Omicron, na sumailalim sa mandatory post-arrival Covid testing, at random testing naman ng iba pang international arrivals.
Nitong Miyerkoles, ang Mumbai na pinakamalaking siyudad sa bansa ay nagpatupad na ng mandatory seven-day quarantines para sa lahat ng mga pasaherong darating mula sa mga bansang nasa panganib ng Omicron.
Sa datos ng gobyerno, higit 1.2 billion Covid-19 vaccine doses ang naibakuna na ngunit halos sangkatlo (1/3) pa lamang ng populasyon ang ganap nang bakunado.
(AFP)