Unang electric car battery factory ng France, binuksan na
Inilunsad na ng France ang una nitong pabrika ng baterya para sa mga de-kuryenteng sasakyan, na isang malaking hakbang sa pagbuo nito ng sektor na dominado ng China.
Ang pagbuo ng industriya ng baterya ang sentro ng planong “reindustrialization” ni Pangulong Emmanuel Macron para sa France, kung saan may isang grupo ng mga pabrika na nakatakdang lumitaw sa hilaga ng bansa sa susunod na tatlong taon.
Ang binuksang “gigafactory” sa Billy-Berclau ay pagmamay-ari ng Automotive Cells Company, isang partnership sa pagitan ng French energy giant na TotalEnergies, Mercedes-Benz ng Germany at US-European automaker na Stellantis, na gumagawa ng mga brand na gaya ng Peugeot, Fiat at Chrysler.
Dumalo sa inagurasyon ang French Economy Minister na si Bruno Le Maire at ang energy transition at industry ministers ng bansa, kasama ang mga opisyal ng Germany at Italya.
Ang mga pinuno ng Mercedes, Stellantis at TotalEnergies ay dumalo rin sa event.
Ang pabrika ay singhaba ng anim na football pitches at ang produksiyon ay magsisimula ngayong summer sa France.
Umaasa ang mga halal na opisyal at business leaders na magiging “Battery Valley” ang rehiyon ng Hauts-de-France, na sagot sa industriya ng electric car sa Silicon Valley.
This photograph taken on May 9, 2023, shows workers at the site of the newly constructed Billy-Berclau Gigafactory ACC battery factory, in Billy-Berclau, northern France. (Photo by FRANCOIS LO PRESTI / AFP)
Ang Sino-Japanese group na AESC-Envision ay nagtatayo ng isang planta malapit sa siyudad ng Douai na siyang magsu-suplay sa French automaker na Renault simula sa unang bahagi ng 2025.
Nakatakda namang simulan ng French startup na Verkor ang produksiyon sa isang pasilidad sa Dunkirk simula sa kalagitnaan ng 2025, habang pinili rin ng ProLogium ng Taiwan ang nasabing coastal city para sa una nilang European factory, na magsisimula ng produksiyon sa 2026.
Nakikipaghabulan ang Europe na dagdagan ang produksiyon nila ng mga baterya at electric vehicles, dahil itinakda ng European Union (EU) ang 2035 bilang deadline sa pag-phase out sa bentahan ng bagong fossil fuel cars.
Humigit- kumulang 50 battery factory projects ang inanunsiyo na sa EU nitong nagdaang mga taon.
Nagtakda ang French government ng isang target na makagawa ng dalawang milyong electric vehicles kada taon pagdating ng 2030, ayon sa economy ministry.
Aniya, ang ACC plant ay magsu-suplay ng 500,000 mga sasakyan bawat taon.
Ang China ang nangunguna sa buong mundo sa electric car battery production at dominado rin nito ang produksiyon ng raw materials na kinakailangan sa pagbuo nito.
Nahaharap din ang Europa sa mahigpit na kumpetisyon mula sa Estados Unidos, na labis na nagbibigay ng subsidiya sa sektor sa pamamagitan ng Inflation Reduction Act, na kinabibilangan ng $370 bilyon na mga insentibo sa malinis na enerhiya.