Unang foreign commercial flight mula nang mag-take over ang Taliban, lumapag na sa Kabul
Lumapag na sa Kabul ngayong araw (Lunes), ang unang International commercial flight mula nang muling maagaw ng Taliban ang kapangyarihan sa Afghanistan.
Ayon sa isang mamamahayag na lulan ng Pakistan Inyernational Airways (PIA) flight galing Islamabad . . . “There was hardly anyone on the plane, around 10 people…maybe more staff than passengers.”
Aminado ang maraming NATO nations na naubusan sila ng panahon na ilikas ang libu-libong nanganganib na Afghans bago ang withdrawal deadline na napagkasunduan sa pagitan ng Estados Unidos at Taliban.
Ayon sa isang tagapagsalita ng PIA, interesado ang airline na magresume ng regular commercial services, ngunit maaga pa para sabihin kung gaano ito kadalas.
Ang Qatar Airways ay nag-operate na ng ilang charter flights palabas ng Kabul noong nakalipas na linggo, na karamihan ng lulan ay mga dayuhan at Afghans na naiwan sa paglilikas.
Isang Afghan airline naman ang nagresume na ng domestic services noong September 3.
Ayon sa report ng isang ground staff, halos 100 pasahero ang naghihintay para sa return flight sa Islamabad, na karamihan ay kaanak ng mga staff na kabilang sa international organisations gaya ng World Bank.
Matatandaan na nasira ang passenger halls, airbridges at technical infrastructure matapos sakupin ng Taliban ang Kabul noong August 15, kung saan libu-libong katao ang sumugod sa paliparan sa pag-asang makatakas.
Libu-libong Afghans ang natakot na balikan sila ng Taliban dahil sa pagtulong sa mga dayuhan sa panahon ng 20-taong US-led occupation, subalit iginiit ng Taliban na magbibigay sila ng general amnesty sa lahat, kabilang na ang security forces na kanilang nakalaban.
Nangako ang Taliban ng mas maluwag na uri ng pamumuno, subalit agad nilang sinawata ang mga tumututol, gaya ng aerial firing upang buwagin ang kamakailan ay protesta ng mga kababaihan na nanawagan para sa kanilang karapatan sa edukasyon at trabaho.