Unang kaso ng COVID-19 sa Wuhan, ilang araw pa bago nagkasakit matapos ang unang petsang napaulat
Inihayag ng isang siyentista, na ang unang kaso ng Covid-19 sa Wuhan, China na iprinisinta ng World Health Organization (WHO), ay ilang araw pa bago nagkasakit matapos ang unang pinaniwalaang pagkakasakit nito at sa isang animal market nanggaling ang virus.
Sa kaniyang artikulo sa Science journal, sinabi ng virologist na si Michael Worobey na sa halip na ang orihinal na pasyente ay lalaki na hindi naman nagawi sa Wuhan market kung saan ibinibenta ang wild at domestic animals, ang unang kaso ng Covid-19 ay isa palang babae na nagtrabaho sa nasabing pamilihan.
Para kay Worobey, ang mahalagang piraso ng naturang impormasyon at ang kanyang pagsusuri sa iba pang mga naunang kaso ng Covid-19 sa lungsod, ay malinaw na nagtuturo sa mga sukatan na ang virus ay nagmula sa isang hayop.
Dahil sa kawalan ng tiyak na katibayan, nagkaroon ng mainitang debate sa kalipunan ng mga eksperto mula nang mag-umpisa ang pandemya halos 2 taon na ang nakararaan, tungkol sa pinagmulan ng virus.
Si Worobey ay isa sa 15 o higit pang mga eksperto na sa kalagitnaan ng Mayo ay naglathala ng kolum sa Science journal na humihingi ng seryosong konsiderasyon ng thesis na ang virus ay nag-leak mula sa isang laboratoryo sa Wuhan.
Argumento niya sa latest niyang article, ang kaniyang pagsasaliksik sa pinagmulan ng outbreak ay nagbibigay ng matibay na ebidensiya na ang pinagmulan ng pandemya ay isang live-animal market.
Isa sa naging puna sa market theory, ay mas maraming kaso ang itinuturong doon galing na tila bias na dahil ang atensiyon ay natuon na rito, matapos alertuhin ng health authorities ang publiko tungkol sa mga kaso ng isang sakit na iniuugnay sa nabanggit na pamilihan noong December 30, 2019.
Upang tutulan ang argumento, pinag-aralan ni Worobey ang mga kasong iniulat ng dalawang ospital bago lumitaw ang alerto.
Ang mga naturang kaso ay iniuugnay din sa nasabing pamilihan, at yaon namang hindi ay iniuugnay naman sa mga lugar sa paligid ng pamilihan.
Ayon kay Worobey . . . “In this city of 11 million people, half of the early cases are linked to a place that’s the size of a soccer field. It becomes very difficult to explain that pattern if the outbreak didn’t start at the market.”
Isa pang puna sa market theory ay base sa katotohanang ang unang natukoy na kaso ay walang kaugnayan sa pamilihan.
Sinabi pa ni Worobey na bagama’t ayon sa ulat ng WHO, ang lalaking unang natukoy bilang patient zero ay nagsimulang magkasakit noong December 8, ang aktuwal na pagkakaakit nito ay noong December 16.
Batay ito sa video interview na kaniyang natagpuan, mula sa isang kaso na inilarawan sa isang scientific article at mula sa isang hospital medical record na tumugma sa 41-anyos na lalaki.
Nangangahulugan ito na ang unang napaulat na kaso ay ang babae dapat na nagtrabaho sa nabanggit na pamilihan na nagkasakit noong December 11.
Ayon kay Peter Daszak, isang disease expert na kasama sa WHO investigation team, kumbinsido siya sa analysis ni Worobey.
Aniya, ang petsang December 8 ay isang pagkakamali. (AFP)