Unang kaso ng monkeypox iniulat ng Switzerland
Iniulat ng Swiss health officials ang unang kaso ng monkeypox sa kanilang bansa. Ito ay isang lalaking naninirahan sa Bern na na-expose habang nasa abroad.
Sinabi ng Bern health authority na ang pasyente ay ginamot bilang isang walk-in case at ngayon ay naka-isolate na sa bahay. Lahat ng nagkaroon ng contact sa kaniya ay sinabihan na.
Pahayag ng health officials . . . “As far as we know, the person concerned was exposed to the virus abroad.’
Nabatid ng health officials ang kaso noong Biyernes, at kinumpirma na monkeypox nga ang sakit nito kinabukasan.
Kasama na ngayon ang Switzerland sa ilang bansa sa kanluran gaya ng Britain, Germany, Spain, Sweden, United Kingdom at United States na nag-ulat ng mga kaso, na nagpataas naman sa pangambang maaaring kumakalat na nga ang virus.
Ang mga sintomas ng pambihirang sakit ay kinabibilangan ng lagnat, pananakit ng kalamnan, namamagang lymph node, panginginig, pagkahapo at parang bulutong-tubig na pantal sa mga kamay at mukha.
Ayon sa World Health Organization, karaniwang nawawala ang monkeypox makalipas ang dalawa hanggang apat na linggo.