Unang kaso ng monkeypox sa Latin America, kinumpirma ng Argentina
Sinabi ng Argentina na mayroon na sila ng unang kaso ng monkeypox sa Latin America.
Sa ulat ng local press, ang pasyente ay isang 40-anyos na lalaking kababalik lang mula sa Spain, kung saan ibinalita ng gobyerno na mayroon nang 59 na kaso, dalawang araw na ang nakalilipas.
Ayon sa pahayag ng health ministry . . . “The PCR test result … for the first suspected case of monkeypox is positive.”
Ginagamot na ng health care workers ang mga sintomas ng pasyente, habang patuloy namang minomonitor ang mga naging close contact niya na asymptomatic.
Ibinunyag din ng health ministry na isang residente ng Spain na kasalukuyang bumibisita sa Argentina, at walang naging kaugnayan sa unang pasyente, ang hinihinalang ikalawang kaso.
Ang monkeypox ay nagmula sa isang infectious virus at maaaring maisalin sa tao sa pamamagitan ng infected animals. Posible rin ang person to person transmission nguni’t bihira.
Ito ay nauugnay sa bulutong pero hindi masyadong malala, at ang paunang sintomas nito ay mataas na lagnat, swollen lymph nodes at rash na nakakatulad ng sa bulutong.
Walang tiyak na gamot ngunit ang pagbabakuna laban sa bulutong ay natagpuang humigit-kumulang 85 porsiyentong epektibo sa pag-iwas sa monkeypox.
Ang Monkeypox ay unang nakita sa Democratic Republic of Congo noong 1970 at itinuturing na endemic sa halos isang dosenang mga bansa sa Africa.
Ang paglitaw nito sa non-endemic countries ay nagdulot ng pangamba sa mga eksperto, bagama’t ang karamihan sa mga kasong napaulat sa ngayon ay mild lamang at wala pang namamatay.
© Agence France-Presse