Unang kaso ng pagkamatay dahil sa ‘black fungus,’ iniulat ng Nepal
KATHMANDU, Nepal (AFP) – Iniulat ng Nepal ang unang kaso ng pagkamatay mula sa mucormycosis o “black fungus,” ang lubhang nakamamatay na infection na siyang nakaaapekto sa libu-libong COVID-19 patients sa India.
Sinabi ni health ministry spokesman Krishna Prasad Poudel, na sa ngayon ay mayroon nang hindi bababa sa sampung kaso sa Nepal, na gaya ng India ay nakararanas din ng paglobo ng COVID-19.
Ang 65-anyos na lalaking namatay ay ginagamot sa intensive care unit sa isang ospital sa western Nepal, matapos ma-diagnose na siya ay may temporal lobe encephalitis.
Batay sa pahayag ng Seti Provincial Hospital, namatay ang lalaki noong June 3 matapos lumitaw sa kaniyang nasal swab test na mayroon siyang fungal hyphae, at lumitaw naman sa biopsy test ng kaniyang ilong at bibig na mayroon siyang mucor, ngunit negatibo ito sa COVID-19.
Libu-libong katao sa India ang dinapuan ng fungus sa mga nakalipas na linggo, na isinisisi sa malabis na paggamit ng steroids para gamutin ang milyun-milyong COVID patients.
@ Agence France-Presse