Unang locally transmitted Omicron case, iniulat ng Australia
Iniulat ng Australia nitong Biyernes, na isang estudyante na walang foreign travel history ang nagpositibo sa Covid-19 Omicron variant, ang unang kaso ng community transmission na na-detect sa bansa.
Ang kaso na na-detect sa pinakamalaking siyudad sa bansa, ang Sydney, ay naitala sa kabila ng ipinatupad na ban sa pagpasok sa bansa ng mga hindi mamayan ng Australia, at mga restriksiyon sa flights na galing southern Africa kung saan unang na-detect ang variant.
Ayon sa New South Wales Health . . . “The case has no overseas travel history or links to people with overseas travel history, but further investigations and contact tracing were underway.”
Siyam na iba pang Omicron cases ang na-detect ng Australia, subalit lahat ay pawang mula sa incoming travellers.
Ipinakikita ng pinakabagong kaso ang posibilidad na ang Omicron ay mas malawak na ang pagkalat sa komunidad.
Ang Regents Park Christian School na nasa kanluran ng Sydney, na pinapasukan ng naturang estudyante ay ipinasara na at ang kaniyang pamilya ay isinailalim na rin sa quarantine.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa ang mga awtoridad, na dahil 87 percent ng mga mamamayan na lampas 16 anyos ang bakunado na, kayat may laban na ang Australia sa bagong variant.
Ang bagsik ng Omicron ay hindi pa batid, at hindi pa rin malinaw kung hindi magkakabisa laban dito ang mga kasalukuyang bakuna.
Subalit may mga pangamba na ang variant ay higit na nakahahawa kaysa sa Delta strain. (AFP)