Unang single ng Pink Floyd makalipas ang 28 taon inilabas bilang suporta sa Ukraine
Sa unang pagkakataon makalipas ang 28 taon ay inilabas na ng English rock band na Pink Floyd ang bago nilang single, na ang kikitain ay gagamitin sa humanitarian relief sa Ukraine.
Ang unang single ng banda mula noong 1994 ay ipinalabas nitong Biyernes, kung saan muling nagsama-sama ang founding member at drummer na si Nick Mason, guitarist David Gilmour, longtime collaborator at bassist na si Guy Pratt at ang keyboardist na si Nitin Sawhney.
Ayon sa 76-anyos na si Gilmour na ang manugang at mga apo ay Ukrainian . . . “We, like so many, have been feeling the fury and the frustration of this vile act of an independent, peaceful democratic country being invaded and having its people murdered by one of the world’s major powers.”
Ang proyektong pinamagatang “Hey Hey Rise Up,” ay inawit ni Andriy Khlyvnyuk, frontman ng Ukrainian rock band na BoomBox.
Sinabi ni Gilmour, na na-inspire siyang muling gumawa ng bagong awitin makaraang madiskubre ang isang Instagram video ni Khlyvnyuk, na iniwan ang U.S. tour ng BoomBox para sumama sa Ukrainian army makaraang umatake ang Russia.
Sa naturang video ay makikita si Khlyvnyuk na naka-tactical gear at may nakasabit na riple sa balikat, habang inaawit ang Ukrainian folk protest song na “Oh, the Red Viburnum in the Meadow” sa Sofiyskaya Square sa Kyiv, kapitolyo ng Ukraine.
Ani Gilmour . . . “I thought, that is pretty magical and maybe I can do something with this.” Pagkatapos ay inorganisa na niya ang isang recording session kasama si Mason, Pratt at Sawhney. Si Roger Waters, na umalis sa grupo noong 1985, ay hindi sumama sa kanila.
Si Gilmour, Mason at Pratt ay hindi na nag-record ng kanta nang magkakasama simula nang mamatay noong 2008 ang keyboard player ng banda na si Rick Wright.
Noong nakalipas na buwan, inalis ng Pink Floyd ang lahat ng kanilang kanta mula 1987 hanggang sa pinakahuli at lahat din ng solo projects ni Gilmour mula sa lahat ng digital music providers sa Russia at Belarus.
Anila . . . “It is to stand with the world in strongly condemning Russia’s invasion of Ukraine.”