Unang Trilateral Maritime Dialogue ng Pilipinas, Japan at US, isinagawa
Nagpulong ang Pilipinas, Japan, at US para sa inaugural Trilateral Maritime Dialogue na ginanap sa Tokyo noong December 10.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), isang mahalagang milestone ang dayalogo sa pagpapakita ng lumalalim na kooperasyon ng tatlong bansa sa maritime concerns.
Ipinapakita rin anila nito ang commitment ng Pilipinas, Japan, at US sa pagsulong ng malaya, bukas at ligtas na Indo- Pasipiko sa pamamagitan ng rules-based international order.
Kabilang sa mga napag-usapan sa dayalogo ang maritime issues kung saan inihayag ng mga ito ang pagkabahala sa mga panganib at iligal na hakbangin ng Tsina sa South China Sea.
Tinalakay din ang mga oportunidad para palakasin ang mga trilateral cooperation sa hinaharap at pakikipagtulungan sa ibang partners sa pamamagitan ng maritime cooperative activities, combined trainings, maritime law enforcement at coast guard capacity building.
Pinangunahan ni Foreign Affairs Undersecretary for Bilateral Relations and ASEAN Affairs Ma. Theresa Lazaro ang delegasyon ng Pilipinas.
Kasama niya sa delegasyon ang ilang opisyal mula sa Department of National Defense, National Security Council, Philippine Coast Guard, at Armed Forces of the Philippines.
Pinangunahan naman ni Assistant Foreign Minister for Southeast and Southwest Asian Affairs Nakamura Ryo ang delegasyon ng Japan habang ang US delegation ay pinamunuan ni National Security Council Senior Director and Special Assistant to the President Dr. Mira Rapp-Hooper.
Moira Encina-Cruz