Unang university-based opinion at survey research unit sa bansa, inilunsad
Sa harap ng nalalapit na 2022 elections at paglaganap ng misinformation at disinformation sa social media, inilunsad ang kauna-unahang university-based opinion at survey research unit sa bansa.
Ito ay ang Boses, Opinyon, Siyasat, at Siyensha para sa Pilipinas o BOSES Pilipinas ng Ateneo School of Government at Ateneo Policy Center.
Ilan sa mga nakaraang proyekto ng ASOG at APC ay ang vote-buying at disinformation surveys sa NCR na nailathala sa ilang scholarly journals.
Ayon sa BOSES Pilipinas, may pangangailangan para mapagkalooban ang mga Pinoy ng tama at credible na impormasyon at ng plataporma para matugunan ang kanilang concern.
Ito ang layon gawin ng BOSES Pilipinas sa pamamagitan ng interdisciplinary, evidence-based at independent research.
Ilan pa sa hangad na magawa ng survey outfit ay ang maipahayag at masuri ang mga opinyon at saloobin ng mga Pinoy upang mapaunlad ang demokrasya sa bansa.
Gagamit ang BOSES Pilipinas ng innovative techniques at methodology sa kanilang pagsasagawa ng mga opinion surveys para magkaroon ng mas malalim na pagkaunawa sa saloobin at attitude ng mga kalahok.
Nilinaw ng grupo na non-partisan at academy-based ang kanilang research outfit at magiging transparent at ethical sa kanilang proseso.
Sinabi naman ni COMELEC Spokesperson James Jimenez na malaki ang maitutulong ng BOSES Pilipinas para sa voters’ education para sa halalan sa susunod na taon.
Inihayag ni Jimenez na isa sa mga pangunahing problema na natukoy ng COMELEC ukol sa eleksyon ay ang pagkalat ng misinformation at disinformation.
Moira Encina