‘Uncharted’ nanguna sa N.America box office
Tumalon sa top spot ng North American box office nitong nakaraang weekend, ang bagong Sony adventure film na “Uncharted.”
Ayon sa Exhibitor Relations, ang pelikula na pinagbibidahan ni Tom Holland ay kumita ng tinatayang $44.2 million para sa Friday-to-Sunday period at inaasahang kikita ng hanggang $51 million kung isasama ang Lunes na isang holiday sa US.
Base sa isang PlayStation video game na mas pumatok sa viewers kaysa mga kritiko, ang “Uncharted” ay kinatatampukan ni Holland bilang isang bartender na naging treasure hunter, kung saan kasama si Mark Wahlberg, ay hinanap ang kayamanan na umano’y naiwala ng Portuguese explorer na si Ferdinand Magellan 500 taon na ang nakalilipas.
Isa pang bagong release, ang buddy comedy na “Dog” ng Metro Goldwyn Mayer, ay maganda rin ang naging debut matapos kumita ng $15.1 million para sa tatlong araw at $18.1 million para sa apat.
Kinatatampukan at co-directed ni Channing Tatum (kasama si Reid Carolin, na sumulat sa “Magic Mike” movies), ang “Dog” ay tungkol sa istorya ng isang Army Ranger na nagpapagaling mula sa isang brain injury na pumayag na ipagmaneho si Lulu, isang aso na nasugatan habang kasama ng army sa Afghanistan, papunta sa libing ng kaniyang handler.
Ang “Dog,” na sa pangkalahatan ay well-reviewed, ang unang live-action lead role ni Tatum sa loob ng limang taon.
Maganda rin ang weekend ni Tom Holland, at ng Sony, matapos makuha ang third spot dahil sa tuloy-tuloy na tagumpay ng blockbuster movie na “Spider-Man: No Way Home.”
Kumita ito ng $7.2 million sa loob ng tatlong araw ($8.8 million sa loob ng apat na araw), at siyang third-highest grossing domestic release.
Dumausdos naman ng tatlong puwesto pababa mula noong nakaraang weekend nang manguna ito sa box office, ang 20th Century murder mystery na “Death on the Nile,” na nakabase sa 1937 Agatha Christie novel.
Sa direksiyon ni Kenneth Branagh – na kasama rin sa cast bilang isang Belgian detective na si Hercule Poirot – kumita ito ng $6.3 million sa tatlong araw ($7.2 million sa apat ).
Bumaba sa ika-5 puwesto ang “Jackass Forever” ng Paramount, na kumita ng $5.2 million sa tatlong araw ($6.2 million sa apat), mula sa ikalawang puwesto noong nakaraang linggo. Ang gross-out comedy ay pinagbibidahan ni Johnny Knoxville (na isa rin sa co-producer) at ng kaniyang merry pranksters.
Narito naman ang kukumpleto sa talaan ng Top 10:
“Marry Me” ($3.7 million for three days; $4.3 million for four)
“Sing 2” ($2.8 million; $3.8 million)
“Scream” ($2 million; $2.3 million)
“Blacklight” ($1.8 million; $2.1 million)
“The Cursed” ($1.7 million; $1.9 million)