Underground shelter na inilaan para sa mga Pinoy sa Taiwan, nais inspeksyunin ng MECO
Makikipag-ugnayan si Chairman Silvestre Bello III ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Civilian Home Defense Ministry ng Taiwan sa darating na Mayo 8, 2023.
Layunin nitong hilingin na ma-inspeksyon ni Bello ang mga tinukoy na underground shelter para sa mga Filipino sakaling magkaroon ng tensyon at iba pang kalamidad sa Taiwan.
Sa pakikipagpulong ni Bello sa Filipino Community sa Taiwan noong weekend, sinabi ng mga itong may mekanismong nakahanda ang Taiwan sa kung anomang kaganapan.
Sa harap na rin ito ng umiinit na tensyon sa Taiwan Strait kasunod ng mga military drill at live fire exercise na ginagawa ng China sa paligid ng Taiwan na ipinipilit nitong bahagi ng mainland China.
“Handa na sila for any exigency, kalamidad man, sunog o lindol, prepared sila na harapin yang ganyang kalamidad… handang, handa ang Taiwanese government, at Filipino community doon,” paliwanag ni Bello sa panayam ng programang Kasangga Mo ang Langit sa Radyo Agila DZEC.
“Nung sinabi sa akin na may identified shelter, nag-request ako ng meeting with the Civilian Home Defense, gusto kong makipag-meeting para alamin, dalawin ko yung shelter, tingnan ang lagay ng shelter, may cr ba, may pagkain ba, maayos ba para sa mga Pinoy,” dagdag pa ni Bello.
Tiniyak naman ni Bello na hindi nangangamba ang mga Filipino sa tensyon sa pagitan ng China at Taiwan.
Sanay na rin aniya ang mga Pinoy, maging ang mga Taiwanese sa serye ng mga military exercise na ginagawa ng China sa tuwing may mga aksyong nag-u-udyok sa kanila para magpakita ng lakas.
Sa kabuuan ay nasa 170,000 ang bilang ng mga dokumentadong Filipino na nagta-trabaho sa Taiwan, pero sabi ni Bello, kung isasama ang bilang ng mga undocumented, posibleng pumalo na ito ng higit sa 200,000.
Weng dela Fuente