University education para sa mga babaeng Afghan, ipinagbawal ng Taliban
Ipinagbawal ng mga pinuno ng Taliban ng Afghanistan ang university education para sa mga babae sa buong bansa, na isang pagyurak sa kanilang karapatan sa edukasyon at kalayaan.
Sa kabila ng pangako ng isang mas maluwag na panuntunan makaraang muling maupo sa kapangyarihan, nagpatupad ng mga paghihigpit ang Taliban sa lahat ng aspeto ng buhay ng mga babae, na hindi pinapansin ang pagkondena ng buong mundo.
Nakasaad sa liham na ipinadala sa lahat ng pribado at publikong unibersidad, na nilagdaan ng Minister for Higher Education na si Neda Mohammad Nadeem, “You all are informed to immediately implement the mentioned order of suspending education of females until further notice.”
Matindi namang kinondena ng Washington ang naturang desisyon.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Secretary of State Antony Blinken, “The Taliban cannot expect to be a legitimate member of the international community until they respect the rights of all in Afghanistan. This decision will come with consequences for the Taliban. No country can thrive when half of its population is held back.”
Labis namang naalarma si UN Secretary-General Antonio Guterres sa naturang ban, ayon sa kaniyang tagapagsalita.
Ayon kay Stephane Dujarric, “The secretary-general reiterates that the denial of education not only violates the equal rights of women and girls, but will have a devastating impact on the country’s future.”
Ang ban sa higher education ay ginawa wala pang tatlong buwan matapos kumuha ng university entrance exams ang libu-libong mga babae sa buong bansa, na ang karamihan ay pinili ang pagtuturo at medisina upang maging career nila sa hinaharap.
Kasalukuyang naka-winter break ngayon ang mga unibersidad at nakatakdang muling magbukas sa Marso.
Matapos ang kanilang pag-takeover sa Afghanistan, ang mga unibersidad ay napilitang magpatupad ng mga bagong alituntunin kabilang ang paghihiwalay ng entrance at classroom depende sa kasarian, at ang mga babaeng estudyante ay maaari lamang turuan ng mga babaeng propesor o matatandang lalaki.
Karamihan sa mga teenager na babae sa buong bansa ay pinagbawalan na sa edukasyon sa sekondaryang paaralan.
Mula nang ipatupad ang pagbabawal, maraming mga teenager na babae ang maagang ikinasal — madalas sa mas matatandang lalaki na pinili ng kanilang ama.
Ang Taliban ay sumusunod sa isang mahigpit na bersyon ng Islam, kung saan ang pinakamataas na pinuno ng kilusan na si Hibatullah Akhundzada at ang kaniyang “inner circle” ng Afghan clerics ay kontra sa modern education laluna para sa mga babae.
Ngunit kasalungat sila ng maraming opisyal sa Kabul at maging ng kanila mismong “rank and file,” na umaasang ang mga batang babae ay papayagang magpatuloy sa pag-aaral pagkatapos ng takeover.
Sinabi ng isang Taliban commander na nakabase sa northwest Pakistan na ayaw magpabanggit ng pangalan, “There are serious differences in the Taliban ranks on girls’ education, and the latest decision will increase these differences.”
© Agence France-Presse