Unvaccinated students at school personnel, papayagan sa face-to-face classes sa HEIs – CHED
Sinabi ng Commission on Higher Education (CHED), na kahit ang mga estudyante at school personnel na hindi pa bakunado ay maaaring sumama sa face-to-face classes sa higher education institutions (HEIs).
Ito ay makaraang alisin ng CHED ang vaccination requirement para sa in-person classes.
Sinabi ni CHED Chairman Prospero ‘Popoy’ De vera na ang desisyong ito ay ginawa matapos konsultahin ang mga eksperto. Sinabi niya na panahon nang baguhin ang 2021 policy.
Ani De Vera, “So much has changed over the past seven months as we continue to ensure the safe reopening of classes. Our decision making is always data-driven, based on science and the advice of experts.”
Ang pagbabago ng patakarang ito ay sinusuportahan ng Department of Health (DOH), na kinakatawan ni Dr. Razel Nikka M. Hao, at mga kilalang eksperto sa kalusugan kabilang si Dr. Joselito F. Villaruz ng West Visayas State University; Dr. Michael L. Tee ng Unibersidad ng Pilipinas Manila; PGH Director Dr. Gerardo Gap D. Legaspi, Dr. Regina P. Berba, at Dr. Ralph Elvi Villalobos ng Unibersidad ng Pilipinas – Philippine General Hospital (UP PGH); Dr. Rontgene M. Solante, Dr. Anna Ong-Lim, at Dr. Benjamin Co, Infectious Disease Specialists.
Ang mga nabanggit na medical professionals ay nagbigay ng paglilinaw sa mga pagsasaalang-alang, kung saan sinabi nila na karamihan sa mga lugar sa bansa ay nasa ilalim ng Alert Level 1 at ang pag-uuri ng kaso ay nananatiling nasa mababang panganib.
Gayunpaman, pinaalalahanan ni De Vera ang mga nasa higher education institution tulad ng mga kolehiyo at unibersidad na patuloy na sumunod sa mga time-tested health protocols.
Dagdag pa ni De Vera, “The Commission will meet with public and private HEIs to discuss the details of the policy change and will inform the IATF, through the DOH of its decision this week.”