US actress na si Anne Heche, idineklarang legally dead matapos maaksidente
Sinabi ng isang tagapagsalita, na idineklara nang legally dead ang Hollywood actress na si Anne Heche, isang linggo makaraang bumangga ang sasakyan nito sa isang gusali sa Los Angeles.
Ang 53-anyos na si Heche ay nagtamo ng severe brain injury at comatose sa ospital, mula nang maganap ang aksidente noong August 5.
Ayon sa tagapagsalitang si Holly Baird, dahil hindi na nagpa-function ang kaniyang utak, si Heche ay “legally dead na ayon sa batas ng California,” kahit na ang kanyang puso ay tumitibok pa rin dahil ang kaniyang katawan ay nakakabit sa isang life support sa kagustuhan na rin ng pamilya nito.
Sa joint statement ng pamilya ay nakasaad, “Today we lost a bright light, a kind and most joyful soul, a loving mother, and a loyal friend. Anne will be deeply missed but she lives on through her beautiful sons, her iconic body of work, and her passionate advocacy. Her bravery for always standing in her truth, spreading her message of love and acceptance, will continue to have a lasting impact.”
Si Heche na mas nakilala sa 1990s movies na “Donnie Brasco” at “Six Days, Seven Nights” at ang sinasakyan nito, ay bumangga sa isang dalawang palapag na bahay sa Mar Vista neighborhood ng Los Angeles.
Ayon sa Los Angeles Fire Department, ang violent collision ay nagresulta sa pagkapinsala ng naturang istraktura at malaking sunog, na kinailangan ng 59 na bumbero at inabot ng higit isang oras para mapigil at tuluyang maapula.
Noong Huwebes ay iniulat ng local media, na lumitaw sa preliminary tests sa dugo ni Heche na positibo ito sa narkotiko, bagama’t kailangan pa ng dagdag na pagsusuri para matiyak na hindi ito itinurok sa aktres habang sumasailalim sa treatment.
Banggit naman ang hindi pinangalanang sources, ay iniulat ng Celebrity gossip outlet na TMZ, na si Heche ay nagpositibo sa cocaine at fentanyl, na minsan ay ginagamit na pain reliever sa clinical settings.
Si Heche ay sumikat sa kaniyang papel sa soap opera na “Another World,” kung saan nanalo siya ng isang Daytime Emmy noong 1991.
Na-nominate rin siya sa isang Tony award para sa kaniyang paglabas sa “Twentieth Century” sa Broadway noong 2004.
© Agence France-Presse