US Athletes papayagang lumuhod at magtaas ng kamao sa Olympic trials
LOS ANGELES, United States (AFP) – Inihayag ng United States Olympic and Paralympic Committee (USOPC), na ang mga atletang lalahok sa trials para sa Olympic Games ay malayang makapagtataas ng kanilang kamao o iluhod ang isang tuhod kapag pinatugtog na ang national anthem.
Sa isang bagong policy directive kung saan inilatag ang mga panuntunan para sa mga protesta na papayagang gawin ng US athletes, sinabi ng USOPC na maaaring gamitin ng competitors ang isa sa maraming paraan para sa racial at social injustice demonstration.
Kasama sa protestang papayagan ay ang pagluhod ng isang tuhod sa medal podium o habang pinatutugtog ang US national anthem, pagtataas ng isang kamao sa podium o sa start line, at pagsusuot ng sombrero o face mask na may mga salitang “Black Lives Matter,” “equality,” o “justice.”
Ang bagong USOPC policy ay malayong malayo sa mga naunang panuntunan, kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng protesta sa mga atleta.
Subalit binigyang diin ng US Olympic chiefs na ang bagong guidelines ay aplikable lamang sa darating na Olympic trials events.
Ipalalabas naman ang hiwalay na panuntunan tungkol sa mga protesta sa Tokyo Olympics ngayon taon, sa sandaling mabuo na ng International Olympic Committee (IOC) at ng International Paralympic Committee (IPC), ang mga polisiyang pahihintulutan sa mga palaro.
Binago ng USOPC ang kanilang mga polisiya sa harap ng mga protestang naganap sa magkabilang panig ng Estados Unidos nitong nakalipas na taon, kasunod ng pagkamatay ng isang African-American na si George Floyd habang nasa kustodiya ng pulis sa Minneapolis.
Sa IOC Rule 50 ay mahigpit na ipinagbabawal ang anomang uri ng protesta sa mga atleta sa Olympics, ngunit mahigpit itong hinamon ng US athletes at international athlete associations.
Naging lubhang mahigpit ang Olympic officials sa nagpoprotestang mga atleta, kung saan pinaalis nila sa 1968 Mexico City Olympics ang US athletes na sina John Carlos at Tommie Smith, dahil sa kanilang ‘Black Power’ salutes.
Noong Enero ng nakaraang taon ay nagpalabas ang IOC ng updated set ng guidelines kaugnay ng athlete activism, na nagbabawal ng pagpapakita ng anomang uri ng protesta sa medal podium o sa field of play. Kabilang sa ipinagbawal ang pagpapakita ng political messaging, gaya ng signs o armbands, hand gestures o pagluhod ng isang tuhod o pagtutol na sundin ang protocol ng medal ceremonies.
Ang pinahigpit na regulasyon ay kasunod ng insidente sa 2019 Pan American Games, kung saan nagprotesta sa medal podium sina US hammer thrower Gwen Berry at fencer Race Imboden.
Si Berry ay nagtaas ng kamao bilang pagsaludo matapos manalo ng ginto sa kaniyang event, habang iniluhod naman ni Imboden ang isa niyang tuhod sa podium makaraang magwagi ng bronze.
© Agence France-Presse