US, magdo-donate ng bakuna sa 100 low at lower-middle income countries
Inihayag ni US President Joe Biden, na bibili ang America ng 500 milyon o kalahating bilyong doses ng Pfizer vaccines, na ido-donate ng US government sa 100 low at lower-middle-income countries, para labanan ang COVID-19 pandemic.
Bukod pa ito sa 80 milyong vaccine doses mula sa kasalukuyang vaccine supply ng US, na ipamamahagi naman sa iba’t-ibang mga bansa ngayong buwan.
Ang planong ito ay inanunsiyo ni Biden sa unang araw ng kaniyang pagbisita sa United Kingdom, bago ang tatlong araw na G7 Summit na gaganapin simula June 11 hanggang 13.
Aniya, ang Pfizer vaccines ay ibibiyahe simula sa Agosto sa sandaling magawa na ito sa US plant ng Pfizer sa Kalamazoo, Michigan.
Ayon pa kay Biden, ang 200 milyong Pfizer doses ay idi-deliver ngayong taon habang ang karagdagang 300 milyong doses ay idi-deliver naman sa unang anim na buwan ng 2022.