US magpapadala ng ani-missile system at mga sundalo sa Israel, ayon sa Pentagon
Sinabi ng Estados Unidos na magpapadala ito ng U.S. troops sa Israel kasama ng isang advanced U.S. anti-missile system, sa layuning palakasin ang air defenses ng Israel kasunod nang missile attacks ng Iran.
Ayon kay U.S. President Joe Biden, “The move was meant ‘to defend Israel,’ which is weighing an expected retaliation against Iran after Tehran fired more than 180 missiles at Israel on Oct 1.”
Sinabi ng mga opisyal, na pribadong hinihimok ng Estados Unidos ang Israel na i-calibrate ang tugon nito upang maiwasan ang pag-trigger ng isang mas malawak na digmaan sa Gitnang Silangan, kung saan isinapubliko ni Biden ang kanyang pagtutol sa pag-atake ng Israel sa mga nuclear site ng Iran at ang kanyang pag-aalala sa pagtarget sa energy infrastructure nito.
Inilarawan ni Pentagon spokesperson Major General Patrick Ryder ang deployment bilang bahagi ng “mas pinalawak na adjustments ng U.S. military nitong nakalipas na mga buwan,” upang suportahan ang Israel at ipagtanggol ang U.S. personnel laban sa mga pag-atake ng Iran at ng Iranian-backed groups.
Ngunit ang deployment ng militar ng US sa Israel ay bihira sa labas ng mga pagsasanay, dahil sa sariling kakayahan ng militar ng Israel. Nitong nakaraang mga buwan ay tinulungan ng U.S. troops ang depensa ng Israel laban sa warships at fighter jets sa Gitnang Silangan, nang atakihin ito ng Iran.
Ngunit ang mga ito ay nakabase sa labas ng Israel.
Ang Terminal High Altitude Area Defense system, o THAAD, ay isang mahalagang bahagi ng layered air defense systems ng U.S. military, at makadaragdag sa malakas nang anti-missile defenses ng Israel.
Karaniwan nang kinakailangan ng nasa 100 troops upang i-operate ang isang THAAD battery.
Una nang nagbabala si Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi, na inilalagay ng Estados Unidos sa panganib ang buhay ng kanilang mga sundalo, sa pamamagitan ng pagpapadala sa mga ito upang i-operate ang U.S. missile systems sa Israel.
Ayon kay Araqchi, “While we have made tremendous efforts in recent days to contain an all-out war in our region, I say it clearly that we have no red lines in defending our people and interests.”
Gayunman, sinabi ng mga eksperto na hinangad ng Iran na iwasan ang isang direktang pakikipagdigma sa Estados Unidos, pero ang deployment ng U.S forces sa Israel ay magiging dahilan upang ito ay itulak.
Hindi naman binanggit ng U.S. officials kung gaano kabilis nilang ipadadala ang system sa Israel.
Sinabi ng Pentagon, na isang THAAD ang idineploy sa southern Israel para sa drills noong 2019, ang huli at tanging THAAD na nalalamang naroon sa nasabing lugar.
Ang Lockheed Martin, ang pinakamalaking tagagawa ng armas sa U.S., ang bumubuo sa THAAD system, na idinisenyo upang pabagsakin ang short-, medium- at intermediate-range ballistic missiles. Ang Raytheon, sa ilalim ng RTX, ang siya namang bumubuo sa advanced radar nito.