US muling nanawagan sa Tsina na itigil ang mga mapanganib na gawain nito sa South China Sea
Muling hinimok ng Estados Unidos ang Tsina na ihinto ang mga mapanganib at destabilizing na mga aksyon nito sa South China Sea.
Ang pahayag ay inilabas ni U.S. Secretary of State Antony Blinken, sa ika-8 anibersaryo ng 2016 Arbitral Award on the South China Sea ngayong Hulyo 12.
Ayon kay Blinken, dapat na i-ayon ng Beijing ang mga hakbangin at ang territorial and maritime claims nito sa South China Sea sa international law.
Aniya, ang paggamit ng China ng water cannon, dangerous maneuvers at mga mapaminsalang taktika ay tahasang pagwawalang-bahala sa international law at sa kaligtasan at sa ikinabubuhay ng mga Pilipino.
Sinabi pa ni Blinken na ang mga aksyon ng Tsina ay humahadlang sa mga legal na aktibidad sa mga bahagi ng karagatan na alinsunod sa arbitral decision ay wala sa teritoryo nito.
Kasabay nito, nanawagang muli ang Amerika na sundin ng Tsina ang 2016 arbitral ruling.
Paliwanag ni Blinken, nasa interes ng international community at mahalaga sa kapayapaan, seguridad at pag-unlad ng lahat ng bansa ang pagsunod sa international law.
Moira Encina- Cruz