US nag-donate ng anti-TB medicines at diagnostic equipment sa mga LGUs
Natanggap na ng bansa ang mga donasyon na diagnostic equipment at mga gamot kontra tuberculosis para sa mga LGUs mula sa gobyerno ng US.
Ang mga nasabing package of tools ay nagkakahalaga ng Php130 million o $2.6 million.
Binubuo ito ng walong ultra-portable chest X-ray machines, 38 portable rapid diagnostic machines, at Video Observed Treatment (VOT) na pakikinabangan ng 19,000 TB patients.
Kabilang rin sa ipinagkaloob ng US ay ang short-course medicines sa TB prevention para sa 30,000 matanda at bata.
Ang donasyon ay susuporta sa TB services sa Valenzuela City at mga lalawigan ng Tarlac, Bataan, Laguna, Cebu, at South Cotabato.
Si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian kasama ni DOH Director Beverly Ho ang tumanggap ng mga bagong kagamitan at medisina para sa ibang LGUs mula kay US Embassy Chargé d’Affaire ad interim Heather Variava.
Parte ang donation package ng global initiative na Introducing New Tools Project (iNTP).
Ang Pilipinas ang isa sa pitong bansa na napili na tumanggap ng iNTP package.
Ayon sa 2021 Global TB Report ng World Health Organization, ang Pilipinas ay isa sa 30 high TB-burden countries.
Ang Pilipinas din ang may pinakamataas na TB incidence rate sa Asya na 539 cases kada 100,000 katao.
Moira Encina