US nagbabala sa Turkey laban sa bagong opensiba sa Syria
Binabalaan ng Estados Unidos ang Turkey laban sa paglulunsad ng isang bagong operasyong militar sa hilagang Syria.
Noong Lunes ay sinabi ni Turkish President Recep Tayyip Erdogan, na malapit nang maglunsad ang Turkey ng bagong operasyong militar sa hilagang Syria upang lumikha ng 30-kilometrong (19-milya) “security zone” sa kahabaan ng hangganan.
Ayon kay State Department spokesman Ned Price . . . “We are deeply concerned about reports and discussions of potential increased military activity in northern Syria and, in particular, its impact on the civilian population. We condemn any escalation. We support maintenance of the current cease-fire lines.”
Sinabi naman ng tagapagsalita ng United Nations na si Stephane Dujarric, na ang dapat na maging priyoridad para sa Syria na nasalanta ng digmaan ay isang solusyong pampulitika at makataong tulong.
Aniya . . . “We stand for the territorial integrity of Syria, and what Syria needs is not more military operations from any quarter.”
Mula noong 2016, ang Turkey ay naglunsad na ng tatlong opensiba sa Syria na ang layunin ay durugin ang Syrian Kurdish fighters na tumulong sa kampanyang pinamunuan ng US laban sa grupong Islamic State, na kilala rin bilang ISIS.
Ipinag-utos ng Turkey ang huling paglusob noong Oktubre 2019 nang sabihin ng noo’y pangulo US na si Donald Trump, kasunod ng mga pakikipag-usap kay Erdogan, na nagawa na ng mga tropang Amerikano ang kanilang misyon sa Syria at dapat nang umalis.
Sa gitna ng pagtutol maging ng ilan sa mga kaalyado ni Trump, lumipad patungong Turkey si US vice president Mike Pence at nakipagkasundo kay Erdogan na nanawagan sa pagtigil ng mga labanan.
Ayon kay Price . . . “We expect Turkey to live up to the October 2019 joint statement, including to halt offensive operations in northeast Syria. We recognize Turkey’s legitimate security concerns on Turkey’s southern border. But any new offensive would further undermine regional stability and put at risk US forces in the coalition’s campaign against ISIS.”
Ang pahayag ni Erdogan tungkol sa opensiba ay sa gitna ng banta nitong pagharang sa NATO membership ng Finland at Sweden, na nagnanais na sumama sa Western alliance makaraang ma-alarma sa pananalakay ng Russia sa Ukraine.
© Agence France-Presse