US nagpadala ng 4.1 million Covid vaccine doses sa Vietnam
Muling nagpadala ng panibagong apat na milyong Covid-19 vaccine doses ang Estados Unidos sa Vietnam,
Dahil dito ay aabot na kabuuang halos 270 million ang nai-donate ng US sa buong mundo.
Sinabi ng isang senior administration official ng White House, na 4,149,990 doses ng Pfizer ang ipinadala sa Vietnam, kaya’t ang kabuuan ng bakunang naipadala ng US sa naturang bansa ay 17,589,110 doses na.
Sa buong mundo naman, 268,472,780 doses na ang naipadala sa sampung mga bansa na ayon sa nasabing opisyal na ayaw magpabanggit ng pangalan, ay higit sa ipinadala ng ibang mga bansa kung pagsasama-samahin.
Ang paglaban sa Covid-19 ang main focus ng administrasyon ni US President Joe Biden mula nang maluklok ito sa puwesto noong Enero, kung saan sinabi niya . . . “America will be the arsenal of vaccines in our fight against Covid-19.”
Ang Vietnam na may nasa 100 milyong populasyon, ay nakapagtala na ng 1.1 million infections at halos 24,000 na ang namatay ayon sa datos mula sa Johns Hopkins University.
Batay sa Covid tracker ng Johns Hopkins University, lampas lamang ng kaunti sa 43 percent ng populasyon ng Vietnam ang ganap nang bakunado.
Lubha ring nakaapekto sa ekonomiya ang mga ipinatupad na lockdown para mapigilan ang pagkalat at mawala sa kontrol ang virus.
Ang Vietnam ay kabilang sa pinakamatatag na ekonomiya sa Asya noong isang taon, at isa sa iilan na lumago makaraang mapanatiling mababa ang kaso ng virus at maraming mga negosyo na ang nagbukas.
Subalit ayon sa gobyerno . . . “The latest coronavirus wave, which began in April our northern industrial parks and rapidly spread south to business hub Ho Chi Minh City, caused serious impact to the economy.”
Sa pagitan ng July at September, ang GDP ng Vietnam ay bumagsak sa 6.17 percent year-on-year, na unang pagkakataong ang bansa ay nakapagtala ng negative quarterly growth simula noong 2000. (AFP)