US panel pinagbotohan ang pagbibigay ng awtorisasyon sa J&J COVID-19 vaccine booster
Unanimous ang naging boto ng isang high level panel ng US medical experts, para irekomenda ang pagbibigay ng awtorisasyon para sa second dose ng Johnson & Johnson COVID-19 vaccine.
Ang desisyon ay makatutulong para matapos na ang kawalan ng katiyakan ng 15 milyong Americans na nabigyan ng first dose, subalit nangangamba kung sapat na iyon para sila maproteksiyunan laluna nang tumaas ang mga kaso ng Delta variant.
Sumang-ayon ang mga miembro ng komite na pinulong ng Food and Drug Administration (FDA), sa pharmaceutical company na ang ebidensiya ng kaligtasan at bisa ay pumapabor sa second dose.
Ang rekomendasyon ay maaaring i-adjust pa ng FDA at ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC), at kasunod na nito ang isang emergency use authorization sa susunod na mga araw o linggo.
Iminungkahi naman ng ilang independent experts, na bagama’t ang J&J ay nag-apply para sa awtorisasyon ng isang booster, sa katorohanan ang second dose ng J&J vaccine ay dapat ipalagay na karagdagang dose na kinakailangan para ma-achieve ang full vaccination.
Ayon kay Paul Offit, isang vaccine expert mula sa Children’s Hospital ng Philadelphia . . . “I think this frankly was always a two-dose vaccine. It’s hard to recommend this as a one-dose vaccine.”
Tatalakayin din ng panel ngunit hindi pagbobotohan, ang kuwestiyon ng tinatawag na “mix and match” boosting kung saan ang isang tao ay tatanggap ng ibang brand o type ng bakuna bilang booster kesa ibinigay sa kaniya sa first dose.
Subalit sinabi ni FDA scientist Peter Marks na posibleng pagbotohan ito sa hinaharap.
Lumitaw sa isang preliminary study sa linggong ito na ang mga taong nakatanggap ng J&J vaccine, ay maaaring makinabang mula sa booster shot ng ibang messenger-RNA vaccine gaya ng Pfizer o Moderna.
Ang single shot J&J vaccine ay hindi kasing epektibo ng double shot mRNA counterparts nito, ngunit iminumungkahi ng ilang ebidensiya na mas matagal itong mawalan ng bisa kumpara sa Pfizer at Moderna, dahil sa viral vector technology nito.
Sa kabila nito, nagprisinta ang kompanya ng datos na nagpapakita na ang bisa laban sa symptomatic COVID-19 ay tumaas sa 94% mula 70% sa isang US trial makaraan ang second dose na ibinigay dalawang buwan makalipas ang unang dose, na kahalintulad ng figures na may kaugnayan sa mRNA vaccines.