US Pharmaceutical firm na Moderna, magtatayo ng planta sa Africa
Inanunsiyo ng US pharmaceutical giant na Moderna, na magtatayo ito ng planta sa Africa, dahil sa tumataas na demand sa kanila na tumulong sa pagpaparami ng produksiyon ng Covid-19 vaccine para sa mga lugar na kakaunti lamang ang nakukuha.
Ayon sa Moderna . . . “We will build a state-of-the art mRNA facility in Africa with the goal of producing up to 500 million doses of vaccines each year.”
Una nang inihayag ng kompanya na daragdagan nila ang global production ng kanilang mRNA vaccine, at noong August ay inanunsiyo na magtatayo sila ng isang Canadian plant, dahil nahihirapan ang manufacturers na makatugon sa tumataas na demand para sa Covid-19 vaccine sa buong mundo.
Gayunman, hindi malinaw sa pahayag ng Moderna kung saan nila itatayo ang pasilidad at hindi rin nagbigay ng petsa kung kailan ito sisimulan. Sinabi lamang nito na asahan nang sa lalong madaling panahon ay sisimulan na nila ang proseso para sa “country at site selection.”
Ayon pa sa kompanya . . . “We anticipated investing up to $500 million in the new plant, which is expected to include drug substance manufacturing as well as the opportunity for packaging capabilities.”
Pahayag naman ni Jean-Jacques Le Fur, isang analyst sa Bryan, Garnier & Company . . . “This may help, but there is a distribution issue with a whole infrastructure that is not in place.”
Ang anunsiyo ay ginawa habang nahaharap ang US pharmaceuticals sa tumataas na demand para alisin na ang patents sa kanilang coronavirus vaccines, para makatulong sa produksiyon ng bakuna sa mga rehiyon na kaunti lamang ang natatanggap.
Ayon sa WHO office sa Africa, 2% lamang ng populasyon ng kalahati sa mga bansa sa kontinente ng Africa na nakatanggap ng bakuna, ang fully vaccinated na.