US pharmacy na Rite Aid pinagbawalang gumamit ng facial recognition
Pinatitigil na ng isang mambabatas sa Estados Unidos ang pharmacy group na Rite Aid sa paggamit ng facial recognition sa susunod na limang taon, dahil napagkakamalian ng naturang teknolohiya na shoplifters ang mga consumer.
Isa ito sa naging mga alalahanin tungkol sa paglaganap ng artificial intelligence (AI), partikular ang facial recognition, na itinuturing na posibleng magkamali nang pagtukoy o pagkilala sa mga indibidwal, laluna ang mga “non-whites” at mga babae.
Sinabi ni Samuel Levine, direktor ng consumer harms sa Federal Trade Commission (FTC), “Rite Aid’s reckless use of facial surveillance systems left its customers facing humiliation and other harms.”
Ayon sa FTC, simula 2012 hanggang 2020, ay gumamit ang Rite Aid ng facial recognition technology upang matukoy ang mga paulit-ulit na nagsa-shoplift at iba pang may “problematic behavior.”
Subali’t ang teknolohiya ay nagkakamali sa “pag-match” sa mga consumer at sa shoplifters at iba pang “troublemaker.”
Nabigo rin ang pharmacy group, na sa kasalukuyan ay sumasailalim sa bankruptcy proceedings, na i-train ng tama ang kanilang mga empleyado tungkol sa katotohanan na maaaring magkaroon ng “false positives” gamit ang naturang teknolohiya o kung paano maiwasan ang paggamit ng low-quality images.
Bukod sa ban, inatasan din ng FTC ang grupo at iba pang mga kompanyang sangkot, na i-delete ang lahat ng data na nakakonekta sa kanilang programa.
Pahayag naman ng Rite-Aid, “We are pleased to reach an agreement with the FTC and put this matter behind us.”