US Secretary of State, makikipagkita kay Pangulong Marcos, Jr.
Bibisita sa Pilipinas ngayong weekend si U.S. Secretary of State Antony Blinken, upang makipagkita kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Sinabi ng State Department, na si Blinken ay makikipagpulong kay Marcos sa Maynila sa Agosto 6 bilang bahagi ng pagsisikap na “palakasin ang alyansa ng dalawang bansa” kabilang ang sa enerhiya at kalakalan. Pag-uusapan din nila ang “shared democratic values” ng US at Pilipinas.
Si Blinken ay tutuloy sa Pilipinas pagkatapos na dumalo sa pagpupulong ng Association of Southeast Asian Nations sa Cambodia.
Sinabi naman ni Daniel Kritenbrink, top U.S. diplomat para sa East Asia, na bagama’t hindi naka-schedule at walang pormal na plano ay hindi naman isinasantabi ni Blinken ang pakikipagkita kay Chinese Foreign Minister Wang Yi sa Phnom Penh.
Si Blinken at Wang ay nagkaroon ng malawak na pag-uusap noong July 9 sa sidelines ng isang pulong ng Group of 20 (G20) sa Bali, ngunit muling bumangon ang mga tensyon kaugnay ng pagbisita sa Taiwan ni US House Speaker Nancy Pelosi.
Ayon sa U.S. officials, hindi kakapulungin ni Blinken sa Cambodia ang kaniyang counterparts mula sa Russia at North Korea, sa kabila ng pakikipag-usap niya noong Biyernes kay Russian Foreign Minister Sergei Lavrov sa pagtatangkang palayain ang dalawang U.S. prisoners.
Matatandaan na si Pangulong Bongbong Marcos, anak ni dating pangulong Ferdinand Marcos, Sr. , ay nakatanggap ng tawag bilang pagbati mula kay Pangulong Joe Biden pagkatapos niyang manalo sa halalan noong Mayo.
Dalawang dekadang sinuportahan ng Estados Unidos ang nakatatandang Marcos, nguni’t sila rin ang humimok dito na mag-exile sa Hawaii noong 1986 sa harap ng nagaganap noong mass protests.
@Agence France-Presse