US WTA April clay court event, walang live audience
WASHINGTON, United States (Agence France-Presse) – Hindi papayagan ang live audience sa Women’s Tennis Association (WTA) clay court tournament na nakatakdang ganapin sa Abril sa Charleston, South Carolina dahil sa COVID-19 safety considerations.
Sinabi ni Bob Moran, tournament director para sa WTA Volvo Car Open, na tuluyan nang napawi ang pag-asang may ilang bilang ng fans na papayagang makapanood ng live, dahil na rin sa pandemya.
Ayon kay Moran, tiwala silang may papayagan kahit ilang live audience, subalit batay na rin sa kanilang monitoring, patuloy ang pagtaas sa kaso ng coronavirus sa South Carolina.
Aniya, pagkatapos ng ilang ulit na deliberasyon at pagpapaliban sa kanilang desisyon sa pag-asang baka maiba pa ang resulta, ay kinailangan na rin nilang magpasya bagamat mabigat sa loob, na ganapin ang 2021 Volvo Car Open nang walang manonood na fans.
Aniya, kinailangan ding simulan sa linggong ito ang konstruksyon ng event facilities para sa Apr. 5-11 tournament para makatugon sa COVID-19 health and safety regulations para sa live audience.
Ngunit dahil aniya sa patuloy na pagtaas sa bilang ng mga kaso, at posibleng pagpapatupad ng mga dagdag pang restriksyon sa mga bibiyahe patungong US, nagkasundo sila na ang pinakamainam na lamang gawin ay bumuo ng isang made-for-TV tournament.
Dagdag pa ni Moran . . . “Our commitment now is to produce an event that will provide players an opportunity to compete and earn a living… We are confident that the health and safety protocols we developed in partnership with the WTA and the Medical University of South Carolina will allow us to create a safe atmosphere for players, essential staff and operational partners.”
Ang American player na si Madison Keys ang nagwagi sa 2019 tournament. Ang torneo ng 2020 ay tuluyan nang kinansela dahil sa pandemya, subalit nagkaroon naman ng 16-woman exhibition team event noong June na ginanap sa kaparehong pasilidad.
Liza Flores