USAID nagkaloob ng Minasbate language supplementary reading materials sa DepEd
Umaabot sa 44,000 Minasbate language supplementary reading materials ang ibinigay ng US Agency for International Development (USAID) sa Department of Education (DepEd).
Ito ay parte ng ABC+: Advancing Basic Education in the Philippines project ng USAID kasama ang DepEd Region V.
Sa nasabing proyekto, inilunsad ang development ng K–3 supplementary reading materials sa mother tongue languages gaya ng Minasbate at Rinconada sa Bicol region.
Ayon sa US Embassy, ang reading materials ay
kinabibilangan ng 67 Minasbate language decodable at leveled reader books.
Maaabot nito ang higit sa 41,000 Minasbate learners na nasa Grades 1 hanggang 3 at halos 3,000 guro at school heads sa Region V.
Naniniwala ang USAID na sa pamamagitan ng reading materials na contextualized sa sariling wika ay masusuportahan ang transition ng reading ability ng mga bata sa Filipino at English mula sa mother tongue.
Nakatakdang mamahagi ang USAID ng mahigit 13 milyong supplementary reading materials na nakasulat sa iba’t ibang mother tongue languages, Filipino, at English sa 2021-2022 school year.
Tinatayang pakikinabangan ito ng lagpas sa 500,000 early grade learners sa Bicol, Western Visayas, at Maguindanao.
Moira Encina