UST law dean na nag-sponsor ng mga biyahe ng mga opisyal ng IBP, pinagmulta ng SC ng P100K
Pinagbabayad ng Korte Suprema ng Php100,000 si UST Faculty of Civil Law Dean Atty. Nilo Divina, makaraang sagutin nito ang mga biyahe ng mga opisyal ng Integrated Bar of the Philippines (IBP)-Central Luzon.
Sa desisyon na isinulat ni Supreme Court Justice Samuel Gaerlan, sinabi na napatunayang guilty si Divina ng simple misconduct sa ilalim ng Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA).
Paliwanag ng SC, nakagawa ng impropriety si Divina na miyembro ng IBP-Tarlac Chapter, nang siya ang mag-sponsor sa maluhong biyahe ng mga taga- IBP.
Una nang nakatanggap ang SC ng anonymous letter na nag-aakusa kay Divina ng iligal na pangangampanya bilang bahagi ng plano nito na mahalal na IBP-Central Luzon Governor.
Batay pa sa sulat, dinala ni Divina ang IBP chapter officers sa Balesin Island Club noong 2022 at Bali, Indonesia noong 2023 at binigyan pa ng mga pera at gift checks na nagkakahalaga ng daan-daang libong piso.
Sinabi ng SC na ang mga nasabing regalo ay lumikha ng obligasyon sa mga tumanggap na ibalik ito sa hinaharap o magkaroon ng utang na loob kay Divina.
Pinagmulta rin Php100,000 ng Korte Suprema ang IBP officers na tumanggap ng regalo.
Ang mga ito ay sina Atty. Peter Paul S. Maglalang, bilang Governor ng IBP-Central Luzon (2021-2023); Atty. Winston M. Ginez bilang Presidente ng IBP-Zambales Chapter (2021-2023); Atty. Jocelyn M. Clemente bilang Auditor ng IBP-Tarlac Chapter (2021-2023); aat Attys. Jade Paulo T. Molo, Enrique V. Dela Cruz, Jr., at Jose I. Dela Rama, Jr.
Moira Encina-Cruz