Utos ng DA sa paggamit ng bio-fertilizer di raw panibagong fertilizer scam – Usec. Sebastian
Nilinaw ni Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian ang mga pangamba sa ibinabang Memorandum Order number 2 na nagtatakda ng gabay sa paggamit ng Bio-Fertilizer.
Sa panayam ng NET25 TV/Radyo program Ano sa Palagay Nyo? (ASPN) sinabi ni Sebastian na walang dapat ipangamba sa nasabing kautusan dahil nais lamang nitong ibalik ang kalusugan ng lupang pinagtataniman.
Paglilinaw ni Sebastian, walang intensyon ang kautusan na maulit ang pingangambahang fertilizer scam noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Sasailalim din aniya ang proseso sa bidding gaya ng itinatadhana ng Republic Act 9184 o Procurement Act.
“Pag gagawa ka ng scam huwag ka gumawa ng guideliness, de buking ka dahil makikita ang patakaran,” pahayag ni Sebastian.
“Ginawa naming ang guidelines para maiwasan ang pangamba na walang kalokohan, may transparency, may requirements sa pagpili ng biofertilizer na nakabase sa performance ng bio-fertilizer na nakarehistro pati,” paliwanag pa ni Sebastian.
Ito ang unang pagkakataon na nagsalita si Sebastian sa isyung ibinabato sa kaniya ni Rosendo So, chairperson ng Samahan Industriya ng Agrikultura (SINAG).
Ipinapa-revoke ni So ang nasabing memorandum dahil sa overpriced umano ang tinukoy na bio-fertilizer bukod pa sa inaalisan daw ng karapatan ng mga magsasaka na pumili ng gagamitin.
Paliwanag ni Sebastian, isinusulong ng DA ang paggamit ng bio-fertilizer upang muling ibalik ang lusog ng lupa na sinira na ng synthetic fertilizers.
“Maganda ang bio-fertilizer dahil hindi na a-asa, mababawasan na ang pag-asa sa synthetic, nung nakaraang taon bagsak ang production natin dahil mahal ang urea,’ paliwanag pa ni Sebastian.
“Pati si PBBM encouraged DA to promote bio-fertilizer, yun ay nangyayari na sa buong mundo, ang hirap dito sa atin sa Pilipinas, tinuturuan ang kapitbahay, sinasabi natin kung paano magkaroon ng sustainable rice production pero pagdating dito sa atin ayaw magbago,” dagdag pa ng DA official.
Weng dela Fuente