Vacation-and-vax tours, itinigil ng Guam matapos tumaas ang virus cases
Inihinto muna ng Guam ang isang programa kung saan binibigyan nila ng Covid-19 vaccination ang mga dayuhan, habang ini-enjoy ang isang tropical holiday dahil sa pagdami ng virus cases.
Itong linggong ito ay itinigil muna ng Guam Visitors Bureau ang “Air V&V” o vacation and vaccination scheme na inilunsad noong July, sa pagtatangkang muling buksan ang industriya ng turismo sa isla na lubhang naapektuhan ng pandemya.
Nakaranas ang Guam ng Delta variant outbreak sa mga nakalipas na linggo, kung saan umabot sa 910 ang kumpirmadong kaso.
Hindi naman naniniwala ang health experts na may kaugnayan ang Delta outbreak sa ” Air V&V” scheme, sa pagsasabing nagpatupad sila ng strict testing at safety protocols.
Ayon kay Hoa Nguyen, dating chief medical advisor ng gobernador . . . “There is no evidence that Air V&V contributed to the surge. Tourists are more scared of us than we are of them.”
Sinabi ni Guam Visitors Bureau president Carl Gutierrez, na lahat ng arrivals na may kaugnayan sa programa ay galing ng Taiwan, ngunit ang pinakahuli sa mga ito ay noon pang August 22.
Ang isla na may 170 libong populasyon ay nakapagtala ng higit 10 libong Covid-19 cases at 150 ang namatay, simula nang mag-umpisa ang pandemya.