Vaccination sites sa Maynila, pinilahan ng mga nais magpabakuna
Muling ipinagpatuloy ng Pamahalaang Panglunsod ng Maynila ang Vaccination program sa mga nasa A1 hanggang A3 ng priority list o mga Health worker, Senior citizen, at Person with comorbidity.
Pero ngayong mas marami na ang brand ng bakuna, mas pinilahan ng mga kababayan natin ang mga vaccination site.
Para sa first dose ng Covid-19 vaccine ng Pfizer, dinagdagan ang site.
Maliban sa Sta. Ana Hospital, mayroon na rin sa Ospital ng Sampaloc, Gat Andres Bonifacio Medical center, Justice Jose Abad Santos Hospital at Ospital ng Tondo.
Pero ito ay para sa Medical frontliners lamang.
Para naman sa unang dose ng Astrazeneca vaccines, 15 sites ang itinalaga ng Manila LGU na maaaring puntahan ng mga nais magpabakuna mula A1 hanggang A3.
Para naman sa second dose ng Sinovac vaccine, tatlong sites ang itinalaga pero para lang ito sa A3 na nakatanggap ng unang dose ng bakuna noong Abril 16.
Sa pinakahuling datos ng Manila LGU, nasa 97,673 indibidwal na sa lungsod ang nabakunahan ng unang dose, habang 53,986 naman ang fully vaccinated na.
Madz Moratillo