Vaccine hesitancy sa bansa, bumaba sa 10%
Mula sa 30%, bumaba pa sa 10% ang bilang ng mga Pilipinong nag-aalinlangang magpabakuna.
Ayon kay Health Undersecretary and Treatment Czar Leopoldo Vega, malaki ang naitulong sa pagbaba ng vaccine hesitancy ang mas pinaigting na vaccination drive ng gobyerno.
Kabilang na aniya dito ang house-to-house efforts at tuluy-tuloy na pagbabakuna sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
Sa ngayon, sinabi ni Vega na pinag-aaralan pa ng pamahalaan kung paano makukumbinse ang nalalabing 10% na ito na magpabakuna na kontra Covid-19.
Kasabay nito, nanawagan ang health official sa mga senior citizen na hindi pa nagpapabakuna.
Sa ngayon kasi aniya, ay nasa 65% pa lamang sa A2 category ang naturukan ng bakuna.
Kailangan aniyang dagdagan pa ng gobyerno ang pagsisikap na mahanap ang mga nakatatanda na hindi pa nababakunahan dahil kabilang sila sa vulnerable sector at mataas ang panganib na matamaan ng virus.