Virtual banking act para matigil na ang pagsasamantala ng mga bangko sa paniningil ng digital financial transfer fees, inihain sa Kamara
Binatikos ni House Ways and Means Committee Chairman Congressman Joey Salceda ang mataas na bank transfer fees na sinisingil ng mga bangko sa digital transactions.
Inihalimbawa ni Congressman Salceda ang charge sa paggamit ng Instapay at PesoNet gayundin ang paglilipat ng pera sa magkakaparehong bangko o interbank transfer systems at maging ang pera na “for pick-up” ay pinapatawan pa ng 100 pesos na charge ng mga bangko.
Sinabi ni Salceda na labis kung maningil ang mga bangko gayong walang garantiya kung ligtas ang sistema nila para sa digital bank transfer system.
Ayon kay Salceda marami na ang nabiktima o nawalan ng pera sa kanilang online account sa ilang mga kilalang bangko.
Umapela si Salceda sa Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP na tuldukan na ang pagmamalabis ng mga bangko sa paniningil ng labis sa mga digital transaction partikular sa paglilipat o pag-wi-withdraw ng pera.
Hiniling ni Salceda sa BSP na lagyan ng ceiling ang halaga ng digital bank transfer fees na sinisingil ng mga bangko sa kanilang customers.
Dahil dito inihain ni Salceda sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 677 o Virtual Banking Act para maprotektahan ang publiko sa ginagawang pananamantala ng mga bangko sa kanilang costumers na gumagamit ng digital financial transaction.
Vic Somintac