Visas ng iligal na POGO workers, kakanselahin na lang ng DOJ at BI sa halip na ipa-deport ang mga ito
Hindi na ipadi-deport ng Department of Justice (DOJ) at ng Bureau of Immigration (BI) ang iligal na Chinese employees sa bansa.
Ang nasabing Chinese nationals ay ang nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na kanselado na ang lisensya.
Ayon sa DOJ, sa halip na ipa-deport ang illegal POGO workers ay kakanselahin na lamang ang visas ng mga ito.
Paliwanag ng DOJ, nadetermina ng BI na ang mas cost- efficient at humanitarian approach ay ang pag-kansela sa visas ng naturang Chinese workers.
Sa pamamagitan ng visa cancellation ay mahahayaan ang Chinese nationals na boluntaryong umalis sa bansa sa loob ng non-extendible na 59 na araw.
Nilinaw ng DOJ na isasailalim sa summary deportation ang mga nabanggit na banyaga kung tatanggi ang mga ito na umalis ng bansa sa nasabing allowable period.
Kaugnay nito, nakatakdang kanselahin ng BI ang 48,782 alien visas.
Biniberipika na ng BI kung ang mga Chinese national ay nasa bansa pa o nakaalis na.
Tuloy naman ang deportasyon ng BI sa 372 Chinese nationals na nasa kustodiya na ng pamahalaan matapos na maaresto ng NBI at PNP.
Moira Encina