Visitor arrivals sa bansa, lagpas 5M na; 7.7 M turista, target sa 2024
Nahigitan na ng bansa ang target na international visitors ngayong taon.
Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, nasa limang milyong visitor arrivals na ang naitala hanggang nitong December 12.
Lagpas na ito sa 4.8 million na international visitors na target ng DOT ngayong 2023.
Top 1 sa international visitors ang South Korean na nasa 1.3 million at sumunod ang mga Amerikano na nasa 836,000.
Ipinagmalaki ni Frasco na pinapatunayan nito na nangyayari na ang transpormasyon sa turismo na mithiin ng Marcos Government.
Kaugnay nito, umabot sa P439.5 billion ang kita o foreign visitor receipts ng bansa hanggang noong November 30.
Ibig sabihin aniya ng mga numerong ito sa malaking ambag ng turismo para mapalakas ang ekonomiya ng bansa kung saan mahigit 5 milyon ang naibigay nito na trabaho.
Para naman sa susunod na taon, sinabi ni Frasco na 7.7 milyong dayuhang bisita at balikbayan ang target nila.
Kumpiyansa rin ang DOT na maaabot nila ang P450 bilyong kita mula sa foreign arrivals sa 2024.
Tiniyak ng kalihim na gagawin ng DOT ang lahat para ito maabot at maging tourism powerhouse ang Pilipinas sa Asya.
Isa sa mga isusulong ng kagawaran ang pagkakaroon ng direct flights sa Pilipinas ng airline carriers mula sa mga bansa sa Europa gaya sa Italy, France at UK bukod pa sa US.
“We want to open up the Philippines to European travelers since our diving, our surfing, other adventure and wellness destination is quite in demand in these nationalities,” saad ni Frasco.
Itutuloy naman ng DOT ang paggamit sa tourism branding slogan na “Love The Philippines” sa 2024.
“Yes, it is here to stay and the world continues to love the Philippines as indicated by accolade, the international arrivals and the love and support that continues to pour in all over the world,” pahayag ng kalihim.
Bukod sa pagpapatuloy sa mga flagship program na inumpisahan ngayon taon, plano ng DOT na magtayo ng tourist emergency centers sa tourist destinations na highly-populated.
Moira Encina