Voter’s registration hiniling na palawigin hanggang Oktubre
Hiniling ng mga Senador na palawigin pa ng isang buwan ang voter’s registration period.
Sa resolusyon na isinusulong ng mga Senador, hiniling nila sa Commission on Elections na i-extend mula September 30 hanggang October 31 ang deadline ng pagpaparehistro.
Sinabi ng mga Senador na batay sa datos na isinumite ng Comelec aabot pa sa mahigit 13 million ang kailangang magparehistro para makaboto sa eleksyon sa Mayo ng susunod na taon pero hindi makalabas ng bahay dahil sa mga umiiral na quarantine restrictions.
Katunayan, sinabi ng mga Senador na mismong ang Comelec ay ilang beses na sinuspinde ang voter’s registration dahil sa epekto ng Covid 19 Pandemic.
Tinukoy sa resolusyon ang pagsuspinde mula March 10 hanggang August 31 noong nakaraang taon, sa kasagsagan ng first wave ng Pandemya.
Kasama sa mga lumagda sa resolusyon sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Minority Leader Franklin Drilon, Senators Francis Pangilinan, Nancy Binay, Leila De Lima, Risa Hontiveros, at Joel Villanueva.
Meanne Corvera