Voter registration para sa Brgy at SK elections, simula na bukas, July 4
Pinaalalahanan ng Commission on Elections ang mga mamamayan na hindi pa rehistrado o mga botanteng hindi nakaboto sa mga nakalipas na halalan na magparehistro na para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Disyembre.
Sa advisory ng poll body sa kanilang Facebook page, sisimulan na bukas, July 4 hanggang 23, 2022 ang pagtanggap ng mga aplikasyon para sa pagpaparehistro sa lahat ng Office of the Election Officer (OEO) sa mga distrito, lungsod at munisipalidad sa buong bansa.
Bukas ang registration mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes.
Binigyang-diin ng Comelec na ang application para sa registration ay kailangang personal na mai-file.
Samantala, ang mga Pilipino na magpa-file ng reactivation ng kanilang registration records ay inaabisuhang magpadala ng kanilang aplikasyon sa pamamagitan ng official e-mail addresses ng mga OEO sa kani-kanilang lokalidad.
Maliban sa voter registration, tatanggap din ang Comelec ng applications for transfer, change/corrections of entries sa registration records, inclusion ng registration records at reinstatement ng mga pangalan sa voters list, at transfer of registration records mula sa foreign post patungo sa local post.
Nauna nang sinabi ng Comelec na batay sa kanilang pagtaya, aabot sa higit 66 million ang registered voters para sa barangay elections.
Habang nasa higit 23 million naman ang tinatayang bilang ng mga botante para sa Sangguniang Kabataan polls.
Umaabot naman sa 65.7 million ang registered voters sa katatapos na May 9, 2022 national at local elections.