Voter registration, itutuloy ngayong Martes
Nagpaalala ang Commission on Elections ( COMELEC ) na itutuloy na ngayong Martes ang voter registration sa bansa para sa 2022 National Elections.
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, mahigpit na ipatutupad ang health protocols sa panahon ng pagpaparehistro bilang bahagi ng pag iingat laban sa COVID-19.
Kabilang aniya rito ang pagpapaiksi sa oras at paglimita sa mga araw ng pagrerehistro sa mga tanggapan ng COMELEC mula ngayong Martes hanggang Sabado lamang, simula ika-8:00 ng umaga hanggang ika-3:00 ng hapon. Wala na ring satellite voter registration.
Hinikayat din ng COMELEC na ang mga magpaparehistro na gumawa ng appointment sa halip na mag-walk-in lamang.
Sa hanay ng mga magpaparehistro, bago magtungo sa COMELEC offices ay hinihikayat na magdownload muna ng application form mula sa COMELEC website na www.comelec.gov.ph at dapat sagutan na ito.
Pero paalala ng poll body, huwag munang pirmahan ang form dahil dapat itong gawin sa harap ng Election Officer.
Hinihikayat din ang mga magpaparehistro na magdala ng sariling ballpen. Mahigpit namang ipatutupad sa mga tanggapan ng COMELEC ang “ No face mask, No face shield, No entry “ policy.
Ayon sa sa Komisyon, lilimitahan rin nila ang bilang ng mga taong papayagang makapasok sa loob ng kanilang mga tanggapan upang istriktong maipatupad ang physical distancing.
Narito ang health and safety protocols na mahigpit na ipatutupad:
1. “No face mask and Face shield, No entry “
2. Limited number of Registrants/Transactions per day
3. Physical/Social Distancing;
4. Checking of body temperature before entry
5. Sanitizing of hands and footwear.
Samantala, sinabi ni Jimenez na aabot hanggang apat na milyong botante ang inaasahan nilang magpaparehistrato sa bansa lalo na ngayong mas mulat na aniya ang publiko sa kahalagahan ng pagpaparehistro para makaboto sa panahon ng eleksiyon.
Madelyn Villar Moratillo