VP Robredo, hindi na umano kailangang pagsabihan pa sa pagsasapubliko ng mga Classified information sa isyu ng War on Drugs
Tiniyak ni Vice-President Leni Roberdo na wala itong ilalabas na anumang sensitibong impormasyon kaugnagy ng kampanya laban sa iligal na droga.
Sa harap ito ng mga babala ng Pangulo na maaring masibak si Robredo bilang chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs kapag naglabas ng mga classified information.
Sa isang panayam kay Robredo, matapos ang budget hearing sa Senado, sinabi nito na hindi na siya kailangang pagsabihan.
Unang hiniling ni Robredo sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mabigyan siya ng access sa listahan ng high value target sa ginagawang kampanya laban sa illegal drugs.
Depensa naman ni Liberal Party President at Senador Francis “Kiko” Pangilinan, alam ni Robredo ang mga sensitibong impormasyon at hindi na ito kailangang pagsabihan.
Pero kung seryoso raw ang administrasyon na masugpo ang illegal drugs, dapat ibahagi ang impormasyon kay Robredo.
Samantala, lumusot na sa Senado ang panukalang Budget ng Office of the Vice-President (OVP) sa 2020 na nagkakahalaga ng 664.8 million pesos.
Si Senador Sonny Angara bilang chairman ng Finance Committee ang nagprisinta ng budget ng kung saan personal na dinaluhan ni Robredo.
Wala namang tumayo para mag-interpelate o busisiin ang budget ng OVP kaya agad itong inaprubahan ng Senado.
Ulat ni Meanne Corvera