VP Sara Duterte hindi sinipot ang pagpapatuloy ng budget hearing sa Kamara
Inisnab ni Vice President Sara Duterte ang pagpapatuloy ng budget hearing ng Office of the Vice President (OVP), sa House Committee on Appropriations.
Batay sa record ng Kamara, nagpadala ng sulat si VP Duterte na naka-address kay House Speaker Martin Romualdez na binasa ni Congresswoman Estella Quimbo, Vice Chairman ng House Committee on Appropriations.
Nakasaad sa sulat ni VP Duterte na ipinauubaya na niya sa desisyon ng House Committee on Appropriations ang pagpapasya sa budget ng OVP para sa 2025, na nagkakahalaga ng 2.037 bilyong piso.
Agad namang kinuwestiyon ng Makabayan block ang hindi pagsipot ni Duterte sa pagpapatuloy ng budget deliberations ng OVP.
Humingi naman ng parliamentary inquirt si Congressman Rodante Marcoleta, kung saan ipinunto niya ang tradisyon na dapat bigyan ng courtesy ang co-equal branch sa budget deliberations.
Kasunod nito ay naghain ng mosyon si Marcoleta na i-terminate na ang budget hearing ng Vice President sa committee level at sa plenaryo na lamang talakayin.
Nagkaroon ng botohan subalit natalo ang mosyon ni Marcoleta dahil tatlo lamang ang pumabor at 45 ang kumontra.
Matatandaan na naging kontrobersiyal ang budget hearing ng OVP, nang ungkatin ng Makabayan block ang 125 milyong pisong confidential funds na ginastos lamang sa loob ng 11 araw, na dahilan para makipagsagutan si Duterte sa Makabayan block.
Vic Somintac