Wagner chief Prigozhin, kabilang sa 10 namatay sa pagbagsak ng eroplano
Ang pinuno ng Wagner mercenary group, na noong Hunyo ay nagtangkang pabagsakin ang liderato ng militar ng Russia, ay lulan ng isang eroplanong bumagsak noong Miyerkoles na ikinasawi ng lahat ng sakay nito.
Nangyari ang insidente dalawang buwan pagkatapos maglunsad ni Yevgeny Prigozhin ng rebelyon na hindi nagtagal, na itinuturing na pinakamalaking hamon sa kapangyarihan ni Russian President Vladimir Putin mula nang maupo ito sa kapangyarihan.
Simula noon ay nabalot na ng kawalang katiyakan ang kapalaran ng Wagner at kontrobesiyal nitong pinuno.
Noong Miyerkoles ay inanunsiyo ng ministry for emergency situations ng Russia ang pagbagsak ng isang pribadong eroplano na bumibiyahe sa pagitan ng Moscow at Saint Petersburg.
Sinabi ng ministry na batay sa paunang impormasyon, lahat ng 10 sakay nito ay pawang nangamatay, kabilang ang tatlong crew members.
Kalaunan ay sinabi ng aviation agency ng Russia na ang pinuno ng Wagner ay sakay din ng bumagsak na eroplano.
Sinabi ng Federal Air Transport Agency ng Russia na Rosaviatsia, “According to the airline, the following passengers were on board the Embraer-135 (EBM-135BJ) aircraft:… Prigozhin, Yevgeny, and Dmitry Utkin,” na isang nakatagong personalidad na siyang namahala sa mga operasyon ng Wagner at umano’y nagsilbi sa Russian military intelligence.
Ayon pa sa Rosaviatsia, bumuo ito ng isang special commission upang imbestigahan ang pagbagsak ng eroplano na pag-aari ng MNT-Aero.
Sinabi naman ng Investigative Committee ng Russia, na siyang nag-iimbestiga sa mga serious crime,, na nagbukas na sila ng isang imbestigasyon kaugnay ng nangyari.
Samantala, walong bangkay na ang natagpuan sa pinangyarihan ng pagbagsak ng eroplano, ayon sa RIA Novosti banggit ang emergency services.
Sa panahon ng opensiba ng Russia sa Ukraine, na inilunsad noong February 24, 2022, si Prigozhin — na dating palihim ang mga operasyon ay lumantad.
Siya ang namuno sa pagsakop sa ilang bayan sa Ukraine kabilang ang Bakhmut, at mahigpit na pinuna ang conventional military leadership ng Russia.
Inakusahan ni Prigozhin ang defence ministry ng pagtatangkang agawin ang mga tagumpay ng Wagner.
Ang tensiyon ay uminit at nauwi sa isang maikling rebelyon noong June 23 at 24.