Wala pang nasawi dahil sa Omicron ayon sa WHO

This photograph taken on July 3, 2020, shows a sign of the World Health Organization (WHO) at their headquarters in Geneva, amidst the COVID-19 outbreak, caused by the novel coronavirus.AFP / Fabrice Coffrini

Inihayag ng World Health Organization (WHO), na ang Omicron variant ay na-detect sa 38 mga bansa ngunit wala pang napapaulat na namatay dahil dito, habang nagkukumahog naman ang mga awtoridad sa iba’t-ibang mga bansa na pigilan ang pagkalat ng variant na maraming mutations, sa harap ng bantang makasira ito sa recovery ng ekonomiya sa buong mundo.

Ang Estados Unidos at Australia ay nagkumpirma na ng locally transmitted cases ng Omicron.

Una nang nagbanta ang WHO na maaaring abutin ng ilang linggo bagao madetermina kung gaano nakahahawa ang bagong variant, at kung ito ba ay magdudulot ng malubhang sakit at kung gaano magiging epektibo ang mga gamot at bakuna laban dito.

Ayon kay WHO emergencies director Michael Ryan . . . “We’re going to get the answers that everybody out there needs.”

Wala pa ring natatanggap na ulat ang WHO na may namatay na dahil sa Omicron, subalit ang pagkalat nito ay babala na maaaring maging sanhi ito ng higit sa kalahati ng Covid cases ng Europe sa susunod na ilang buwan.

Sinabi naman ni International monetary Fund (IMF) chief Kristalina Georgieva na posible ring bumagal ang global economic recovery dahil sa Omicron gaya ng nangyari nang lumitaw ang Delta strain.

Aniya . . . “Even before the arrival of this new variant, we were concerned that the recovery, while it continues, is losing somewhat momentum. A new variant that may spread very rapidly can dent confidence.” 

Iminumungkahi ng isang paunang pag-aaral ng mga mananaliksik sa South Africa, kung saan unang napaulat ang variant noong November 24, tatlong ulit ang kalamangan na magdulot ito ng reinfections kumpara sa Delta o Beta strains.

Ayon sa mga manggagamot sa South Africa, tumaas ng bilang ng mga kabataang wala pang limang taon gulang na na-o-ospital mula nang lumitaw ang Omicron, ngunit binigyang diin na masyado pang maaga para malaman kung mas lantad ba ang mga bata sa nasabing variant.

Ayon kay Wassila Jassay mula sa National Institute for Communicable Diseases . . . “The incidence in those under-fives is now second-highest, and second only to the incidence in those over 60.”

Sa US, may dalawang kaso na kinasasangkutan ng mga residenteng walang recent international traverl history, na nagpapakitang ang Omicron ay kumakalat na sa loob mismo ng bansa.

Sa Norway, sinabi ng mga opisyal na hindi bababa sa 13 katao na nahawaan ng Covid-19 matapos ang isang office holiday party sa Oslo noong nakalipas na linggo ang may Omicron variant, bagamat mild lamang ang kanilang mga sintomas.

Gayunman, nagpatupad na rin ang gobyerno ng mga restriksiyon sa Oslo sa pangambang magkaroon ng cluster ng impeksiyon. (AFP)

Please follow and like us: