Walang business permit at maruming katayan ng manok, ipinasara
Agad inatasan ni City Mayor Cristy Angeles ang City Veterans office, CENRO, City Health Office, at Sanitary Unit ng Tarlac City PNP, na mag-inspeksiyon at agad umaksiyon sa nakarating sa kaniyang tanggapan, na may mga katayan ng manok na nag-o-operate ng walang business permit at marumi ang lugar kung saan kinakatay ang mga manok.
Sa bungad pa lamang ay napatunayan na ng mga tauhan ng city hall na marumi nga ang katayan ng manok, hindi rin maayos ang paghandle at paglilinis sa mga ito.
Wala namang naipakitang business permit ang may-ari ng mga nabanggit na katayan ng manok, kaya sila ay inisyuhan ng notice of violation, at agad na ipinasara.
Kinumpiska rin ang mga kagamitan ng mga katayan.
Hindi na nagbigay ng anomang pahayag ang mga may-ari nito.
Samantala, ibinaon na sa lupa ang mga nakatay na manok upang hindi na mabenta ang mga ito.
Nanawagan naman ang Punong Lungsod sa mga negosyante, na sumunod sa batas at tiyakin na malinis ang kanilang mga ibinebentang pagkain.
Ulat ni Rizza Castro