Walang lay-off sa mga empleyado ng Manila City Hall
Tiniyak ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na hindi magbabawas o walang aalising empleyado sa Manila city hall hangga’t maayos nilang nagagampanan ang kanilang trabaho.
Ang pahayag ay ginawa ng Alkalde sa pagdiriwang ng ika-446 Araw ng Maynila.
Binigyang-diin ni Erap na simula nang maupo siya bilang Ama ng Maynila noong 2013 ay wala siyang inalis o inilipat na empleyado ng City Hall kahit ang mga ito ay nanilbihan pa noong panahon ng nakalipas na Manila administration.
Sa kabila nito, sinabi ni Erap na hindi naman niya kukunsintihin ang mga empleyadong mabagal o nagiging dahilan ng pagka-delay ng pagpo-proseso ng mga mahahalagang dokumento sa City Hall, at humihingi ng illegal fees sa mga mamamayan at ang mga nagpapakalat ng mapanirang balita tungkol sa kaniyang administrasyon.
Aniya, ito ang nagiging sanhi ng dagdag-problema sa mga mahihirap nating mga kababayan na nangangailangan ng tulong.
Samantala, kasabay ng pagdiriwang ng Manila Day, ginawaran ni Mayor Erap ng Service Loyalty Award ang “10 Outstanding Employees” dahil sa kanilang di-matutularang dedikasyon sa pagkakaloob ng serbisyo publiko.
Aniya, ang mga nasabing empleyado ang dapat tularan at magsilbing magandang halimbawa sa iba pang mga city hall employees.
Pinangunahan rin ni Mayor Erap ang pag-aalay ng mga bulaklak sa libingan ni Miguel Lopez de Legazpi na siyang founder ng Lunsod ng Maynila at nagsilbing unang gobernador ng Pilipinas at sa monumento ni Raha Sulayman sa Roxas Boulevard sa Malate na nagsilbi namang unang namuno sa kaharian ng Maynila bago pa man sakupin ng mga Kastila ang Pilipinas.