Walang magiging problema sa transmission ng boto – Comelec
Kumpiyansa ang Commission on Elections na wala ng anumang magiging problema sa isyu ng transmission ng resulta ng halalan sa 2025 midterm polls.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, may bukod na bidding sila para sa electronic transmission ng 2025 National and Local Elections.
Layon aniya nitong maiwasan ang mga naging insidente sa nakalipas na Automated elections kung saan nagkaroon ng isyu sa transmission.
Matatandaang noong 2016 elections nagkaroon ng isyu sa Transparency Server matapos magkaroon ng pagbabago sa script para itama ng isang Smartmatic personnel ang pangalan ng isang kandidato.
Habang noong 2019 elections ay nagkaroon ng isyu dahil sa pitong oras na transmission glitch.
Una rito, nagsagawa na rin ng pre bid conference ang Comelec Bids and Awards Committee para rito kung saan ilang Telecommunication companies na ang nagpahayag ng intensiyong sumali.
Naglaan naman ng 1.6 bilyong piso na pondo ang Comelec para rito.
Madelyn Villar-Moratillo